Aminado si Cabinet Secretary Karlo Nograles na mahirap na trabaho ang tapusin ang kagutuman pagsapit ng taong 2030 pero kumpiyansa ang pamahalaan na makakamit ito sa tulong ng pribadong sektor.
Sa online launch ng “Pilipinas Kontra Gutom” movement, sinabi ni Nograles na bukas ang pamahalaan sa lahat ng tulong at suporta para mapabuti ang food security at nutrition ng bansa.
Ngayong naghahanda na ang pamahalaan sa vaccine rollout, sinabi ni Nograles na nakatuon sila sa feeding at nutrition programs maging social protection interventions para maabot ang vulnerable at marginalized sectors.
Ang Pilipinas Kontra Gutom ay isang multi-sectoral movement na layong tapusin ang kagutuman at malnutrisyon pagsapit ng 2030 sa higit 40 priority areas sa bansa.
Ang inisyatibong ito ay kinabibilangan ng ilang government agencies, private companies at non-government organizations na layong isulong ang food availability and accessibility, nutrition adequacy, assistance sa panahon ng krisis at repurposing food surplus.
Ang priority areas ng programa ay Palawan, Romblon, Camarines Norte, Abra, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Kalinga, Albay, Zambales, Biliran, Antique, Southern Leyte, Basilan, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Camigin at Zamboanga Sibugay.