Sa dokumentong nakarating sa Department of Justice (DOJ), iginiit ni Balanga Bataan Regional Trial Court Branch 93 presiding Judge Philger Noel B. Inovejas na walang naging pag-abuso sa panig ni Balanga, Bataan City Municipal Trial Court presiding Judge Ana Florence Cuntapay-Oamil nang ibasura nito ang isinampang kaso ng DOJ Panel of Prosecutors na reckless imprudence resulting to homicide laban kina dating Health Secretary Janette Garin at iba pa dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.
May kaugnayan ito sa kontrobersyal na Dengvaxia case na unang inihain sa DOJ.
Sa 18 pahinang desisyon ni Judge Inovejas, ikinatuwiran nito na walang merito o bigong patunayan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kanilang inihaing petition for certiorari na mayroong pag-abuso sa panig ng respondent o ni Judge Oamil nang kaagad nitong ibasura ang kaso laban kina dating DOH Sec. Garin at el.
Ipinunto pa sa desisyon ni Judge Inovejas ang Sec. 4 ng Rules of Court o 60 days sa paghahain ng mosyon.
Ito ay bukod pa sa isinasaad ng Sec. 4 ng PD 1606 na inamyendahan na Republic Act 10660 na pangunahing sinusunod o general rule ng hurisdiksyon sa kaso na kahalintulad ng kaso nina Sec. Garin et al.
Ayon pa sa desisyon, napaka-basic na alituntunin sa batas na ang isang special law ay siyang mangingibabaw sa mga pangkalahatang umiiral na batas.
Nauna nang kinuwestiyon ng OSG ang ginawang pagbasura ni Judge Oamil sa inihaing motion for reconsideration ng DOJ noong October 8, 2019 hinggil sa isinampang kaso laban kina Garin et al kaugnay ng kaso ng Dengvaxia anti-dengue vaccine kung saan maraming bata ang namatay.