Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian nang mabilis at patas na paghahatid ng katarungan sa 18-anyos na si Edwin Arnigo na may autism at pinatay umano ng isang pulis sa Valenzuela.
Binigyang diin ni Gatchalian na mahalagang maresolba ang magkatunggaling salaysay ng mga pulis at pamilya ng biktima.
Tinukoy ni Gatchalian na ayon sa pulis, nabaril ang biktima matapos nitong tangkaing agawan ng armas ang isa mga pulis sa gitna ng isang raid sa isang tupada.
Ayon naman sa ina ng biktima, may takot sa mga pulis ang biktima kaya imposibleng lumapit ito sa mga pulis.
Diin ni Gatchalian, kung hindi mabibigyang linaw ang mga pangyayari, hindi magiging kumpyansa ang publiko sa kalalabasan ng imbestigasyon at bababa ang tiwala ng mga mamamayan sa pulisya.
Naalala rin ni Gatchalian ang pagpaslang ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Frank at Sonya Gregorio noong nakaraang Disyembre sa Paniqui, Tarlac.
Para kay Gatchalian, ang mga insidenteng ito ay paalala na dapat paigtingin ang pagdisiplina sa mga pulis at tiyaking hindi sila nakakalusot sa mga maling gawain.