Manila, Philippines – Makikipagpulong ang mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut sa mga Lebanese authority na may hawak ng kaso nila Nader Essam Assaf ang primary suspek sa pagpatay sa kababayan nating si Joanna Demafelis.
Yan ay kasunod narin ng naging desisyon ng Kuwaiti court na nagpapataw ng parusang kamatayan sa lebanese national na si Assaf at asawa nitong Syrian na si Mona Hassoun.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, layon ng pagpupulong na malaman kung ano pa ang mga susunod na hakbang ng mga otoridad sa Lebanon.
Kung mapagdesisyunan aniya na isagawa ang paglilitis sa Beirut nakahanda ang pamahalaan ng Pilipinas na magpadala ng mga abugado.
Matatandaan na sina Assaf at Hassoun ang mga employer ni Demafelis na kalaunan ay natagpuan ang mga labi nito sa loob ng freezer sa inabandonang apartment sa Kuwait.
Magkahiwalay na naaresto ang dalawa sa Syria at Lebanon.
Dahil sa pangyayari, nagpatupad din ang ating pamahalaan ng total deployment ban sa mga OFWs sa Kuwait.
Libu-libong OFWs na rin ang nakauwi sa bansa matapos mag avail ng Amnesty program ng Kuwaiti government.