Manila, Philippines – Ipinag-utos ngayon ni Manila Mayor Joseph Erap Estrada sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) na mabilis na resolbahin ang nangyaring na pagpaslang sa isa na namang barangay chairman sa Tondo Maynila.
Ayon kay Mayor Estrada dapat magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga tauhan ni MPD District Director Police Chief Superintendent Rolando Anduyan kaugnay ng sinapit ni Chairman Joseph Moran ng Barangay 100, Zone 100 na pinagbabaril kahapon habang nasa harap ng kanilang barangay hall sa Jacinto Street Tondo Maynila.
Nais ni Erap na mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Barangay Chairman Moran sampu ng iba pang mga barangay chairman na napatay din simula noong isang taon.
Base sa record ng MPD Homicide Section, nasa apat hanggang limang barangay chairman na ang napapatay sa Maynila, na isinagawa ng mga tinaguriang riding in tandem.
Nanatiling blangko ang MPD kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Chairman Moran.
Kahapon lamang, mismong si PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ang nanguna sa paglalagay ng stickers sa mga tinaguriang “clean riders” upang makatulong sa pagsugpo sa krimen na ginagawa ng mga riding in tandem.