Pinatitiyak ni Senator Grace Poe na makakamit sa lalong madaling panahon ang hustisya sa pinaslang na radio broadcaster at komentarista na si Percy Lapid.
Ayon kay Poe, dapat na silipin ng mga awtoridad ang lahat ng anggulo na maaaring iugnay sa pagpatay kay Lapid pati na rin ang matinding paglalabas nito ng mga opinyon sa mga isyu.
Hindi aniya dapat maramdaman ng mga mamamahayag na tila pinipigilan at binabantaan ang kanilang pagganap sa tungkulin.
Dagdag pa ni Poe na mahalagang masolusyunan ang mga pagpatay sa mga journalist para sa kapakanan at seguridad ng mga mamamayan.
Umapela naman si Senator Ramon Revilla Jr., sa mga awtoridad na madaliin ang pagresolba sa kaso at agad na mapanagot ang mga nasa liko ng pagpaslang sa broadcaster.
Giit ni Revilla, walang lugar sa lipunan ang karahasan na patuloy na nagdudulot ng gulo, takot at pangamba sa mga Pilipino.