Thursday, January 29, 2026

Hustisya para sa pinatay na policewoman, tiniyak ng PNP; paghahanap sa 8 taong gulang nitong anak, nagpapatuloy

Pinakikilos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng available resources ng ahensya para maresolba ang brutal na pagpatay sa isang policewoman sa Bulacan pati na rin ang paghahanap sa nawawala nitong walong taong gulang na anak.

Inatasan ni Nartatez ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Regional Office (PRO) – 3 na iprayoridad ang nasabing kaso para agad na matukoy ang mga suspek sa pagpaslang kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at tiyakin ang ligtas na pagbabalik ng kanyang anak.

Nakikiramay naman ang PNP sa pamilya ng nasabing policewoman at tiniyak na maiimbestigahan ang nasabing insidente.

Si Mollenido ay na-aasign sa Regional Personnel and Records Management Division ng NCRPO at naiulat na nawawala noong Enero 16 at nakita na lamang na nabubulok na ang kanyang bangkay na nakabalot sa isang tela,itim na garbage bags at plastic noong Enero 25 sa isang creek sa kahabaan ng Pulilan Baliuag Bypass Road sa Bulacan.

Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa nasabing kaso.

Samantala, sa ambush interview na ginanap sa Kampo Krame sinabi ni NCRPO Regional Director MGen. Anthony Aberin na person of interest sa nasabing kaso ang asawa nitong pulis at ang katransaksyon nito sa binibenta nyang sasakyan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing insidente pati na rin ang paghahanap sa 8 taong gulang nitong anak.

Facebook Comments