Naibigay na ang hustisya sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) matapos na masawi sa madugong operasyon na ikinamatay ng teroristang si Zulkifli Bin hir Alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Debold Sinas matapos pangunahan ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng tinaguriang SAF 44 na ngayon ay pang anim taon mula nang mangyari ang madugong operasyon.
Ayon kay Sinas, para sa kanya nakuha na ng pamilya ng SAF 44 ang hustisya dahil lahat ng tulong at benepisyo para sa mga pamilya naibigay na.
Sa ngayon ay may mga tulong pa sa pamilya ng SAF 44 ang nagpapatuloy katulad ng scholarship sa mga anak ng mga nasawing SAF 44 at pabahay.
Tinitiyak daw ng PNP na hindi napuputol ang mga benepisyong ito.
Samantala, para naman kay Roselle Nacino, biyuda ni PO3 Nicky Nacino Jr. hindi pa nakakamit ang totoong hustisya dahil hindi pa napaparusahan ang mga nagpabaya sa SAF 44 kabilang ang kanyang asawa.
Panawagan niya na sana muling mabuksan ang kaso para mapanagot ang mga matataas na opisyal na nagpabaya sa trabaho.
Sa ngayon aniya wala naman daw problema sa mga benepisyong nakukuha nila sa PNP.