Hustisya sa pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid, tiniyak ng SPD

Tiniyak ni Southern Police District (SPD) acting Director P/Col. Kirby Brion Kraft na mabigyan ng hustisya ang ginawang pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ang pahayag ni Col. Kraft sa isang ambush interview kung saan bumuo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Las Piñas City Police ng Special Investigations Task Group para tumutok sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Lapid.

Kasama sa tututok sa kaso ni Percy Lapid ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG), Crime Laboratory, Intelligence Group, Las Piñas City Police Station at Special Operation ng Southern Police District.


Ito’y pamumunuan ni Deputy Director for Operation P/Col. Resty Arkanghel.

Ayon kay PCol. Kraft may mga nakalap na silang ebidensya tulad ng empty shell na na-recover sa crime scene at ngayon ay nag-undergo ng examination baka sakaling madetermina kung sinong may-ari sa ginamit na baril.

May mga narecover na rin silang CCTV footage sa area kung saan ongoing ang backtracking sa mga dinaanan ng mga suspek at iba pang lugar na dinaanan sa pagtakas ng mga salarin.

Isa rin sa mga kinunan ng affidavit ng SPD ang mga security guard ng subdivision kung saan bumangga ang sasakyan ng biktima sa gate ng BF resort Subdivision sa Parañaque City.

Binigyan diin pa ni Kraft na may 3-strike policy si RD General Estomo sa mga chief of police na resolbahin ang mga kaso sa kanilang nasasakupan at kung hindi ay awtomatikong masisibak sila sa kanilang pwesto.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang buong hanay ng NCRPO at SPD sa pamilya ni Percy Lapid at tiniyak nito na gagawin nila ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa beteranong broadcaster.

Facebook Comments