Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na bibigyang hustisya ang security guard na nagtamo ng sugat sa ulo matapos atakehin kahapon ng mga nagsagawa ng kilos-protesta sa tanggapan.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, “all-out” ang gagawing suporta ng kagawaran sa biktima at sa kanilang pamilya hanggang sa makamit nito ang hustisya.
Sinabi pa ni Remulla na bagama’t inirerespeto ng estado ang karapatan ng bawat isa na magsagawa ng mapayapang pagtitipon ay hindi nito dapat tapakan ang karapatan ng kapwa tao.
Hinikayat naman ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano ang mga raliyista na iwasan ang kultura ng pagiging galit at marahas kapag nagsasagawa ng kilos-protesta at sa halip ay pag-usapan ito sa mapayapang paraan.
Nasugatan ang security guard kahapon matapos nitong sitahin ang mga nagra-rally na nagsulat sa pader ng tanggapan.