“Huwag masyadong balat-sibuyas.”
Ito ang tinuran ni Vice President Leni Robredo dahil sa tila pagiging ‘oversensitive’ ng Duterte Administration sa mga kritisismo.
Bago ito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tinitingnan lamang ni Robredo ang baso na “half-empty” at palaging nakatuon sa mga pagkukulang ng administrasyon.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na isang public health crisis ang kinakaharap ng bansa.
Ipinunto ni Robredo, mahalagang mapansin o mapuna ang mga pagkakamali o pagkukulang upang ito ay maitama at maiayos.
Sinabi rin ng Bise Presidente na ang anumang pagkukulang ng administrasyon ay sinusubukan ng kaniyang tanggapan na punuin at saluhin.
Nanindigan din si Robredo na hindi ito panahon ng pamumulitika.
Umaasa si Robredo na maging bukas ang administrasyon sa mga kritisismo at magawang tingnan ang kanilang mga pagkakamali lalo na sa paghawak ng COVID-19 situation kaysa sa pagtakpan ang mga pagkukulang nito.