Nagbigay ng mensahe si Ilocos Norte Governor at incoming Senator Imee Marcos sa kanyang mga bashers ilang minuto bago magsimula ang proklamasyon sa PICC.
“Huwag na kayo matakot sa akin kasi hindi naman ako mapaghiganti.”
Dagdag pa ni Marcos, sanay na siyang binabato ng iba’t-ibang intriga na kinasasangkutan ng kanilang pamilya. Inihalintulad din niya ang sarili sa punching bag.
“Lagi naman akong hit with so many issues eh. Punching bag naman. Ayos lang. Sanay na ‘yung pamilya namin.”
Sinisigurado niya sa publiko na trabaho ang unang aatupagin pag tuntong ng Senado.
“Gagawa lang tayo ng trabaho,” dagdag pa niya.
Binatikos si Marcos nitong kampanya dahil sa kanyang academic background.
Tinanggi ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nakapagtapos siya bilang Cum Laude sa kursong Law noong 1983. Nilinaw ng pamatansan na kumuha lang ito ng ilang subjects. Maging ang Princeton University sa Estados Unidos, pinabulaanan na graduate nila si Marcos.
Sa official and final tally ng COMELEC, nasungkit ni Marcos ang ikawalong puwesto at nakapagtala ng 15,882,628 boto.