Inirekomenda ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ang pagsasagawa ng hybrid Constitutional Convention o Con-Con sa pagsasakatuparan ng Charter Change o ChaCha.
Sa ikapitong public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments ay inihayag ni Puno na ang magiging miyembro ng Con-Con ay mga elected at appointed.
Ayon kay Puno, ang hybrid model na ito ay ginagamit na rin sa ibang mga bansa nang walang seryosong Constitutional issues at dito rin matitiyak na ang malilikhang Con-Con ay independent at competent.
Binanggit ni Puno na sa tradisyonal na Con-Con, ang mga maaaring mahalal ay mga proxy ng mga political dynasty at economic oligarch kaya dapat ay masusing makilatis ang mga magiging miyembro nito upang matiyak na kanilang isasaalang-alang ay ang bansa.
Iginiit din ni Puno na pagrebisa at hindi lang pag-amyenda ang dapat gawin sa 1987 Constitution na maganda lang noong 80s at 90s pero hindi na akma ngayong 21st century.