Binabalak na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na itigil na ang pagdaraos ng hybrid hearing o yung pagdinig na may physically present at virtually o online na pagdalo.
Sa Lunes ay magsasagawa ng caucus ang mga senador kung saan ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, isa ito sa kanilang pag-uusapan.
Aniya, imumungkahi niya sa gagawing caucus na maging ‘face-to-face’ na ang lahat ng pagdinig sa Senado tulad sa sesyon na simula pa noong nakaraang taon ay kailangang physically present sa plenaryo at wala na ang virtual attendance.
Matatandaang sa pagpasok noon ng unang regular session ng 19th Congress ay pinayagan pa ang mga hybrid na committee hearings.
Ipinauubaya naman ni Zubiri sa kanyang mga kasamang senador na Chairman ng mga komite ang pagpapasya sa pagpapahinto ng hybrid hearing.