*Cauayan City, Isabela- *Isinusulong ngayon ni Atty. Levito Baligod na gumamit na lamang ng hybrid na election system para sa mga susunod na halalan at huwag ng gamitin ang mga smartmatic machines.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Levito Baligod, kanilang isinusulong ang Hybrid Election System kung saan ito ay manual na ang pagboto at pagbibilang sa mga polling precints habang ang automated machine server naman para sa transmission ay magmumula lamang sa presinto papunta sa national server.
Lalagyan umano nila ito ng safety measures upang hindi umano madaya at magbabantay na lamang umano ang mga watcher sa mga magbibilang o magbabasa ng boto at maglalagay na rin umano sila ng official video recording sa buong presinto upang makita kung mayroon mga nangyayaring pandaraya o paglabag sa eleksyon.
Samantala, inihayag rin ni Atty. Baligod na nasa 1.5 bilyong piso umano ang nagasto ng pamahalaan para sa renta sa mga ginamit na Smartmatic machines na pinagdesisyunan umanong bilhin ng COMELEC ang disenyo nito.
Huwag na rin umano nating asahan ang ilang mga personalidad na nasa COMELEC at ilang mambabatas na mababago nila ang maling sistema ng eleksyon kaya’t hinimok ngayon ni Atty. Baligod ang taumbayan na tayo na mismo ang magsimulang magbago sa sistema ng ating eleksyon.
Nararapat din umano na masampahan ng kaso ang mga nasa likod ng pandaraya noong 2010, 2013 at 2016 eleksyon.