Hybrid na paraan ng plenary session at committee hearings, ipapatupad ng Senado

Plano ng Senado na gawing hybrid ang pagdalo ng mga senador sa kanilang plenary sessions na magbubukas ‪sa Mayo 4, o Lunes sa susunod na linggo, gayundin sa mga committee hearings.

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sa ganitong paraan ay may mga senador na magiging physically present sa sesyon at mayroon via teleconference at pwede rin ang ganitong set-up sa mga committee hearings.

Paliwanag ni Sotto, layunin nitong maipatupad sa Senado ang physical distancing bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19.


Pero sabi ni Sotto, bago nila ito magawa ay dapat muna nilang amyendahan ang Senate rules kung saan kakailanganin ang presensya ng mayorya ng mga senador sa Lunes.

Nauna ng inihain ng 15 mga senador ang Senate Resolution No. 372 na nagsusulong na idaan sa teleconference o video conference ang plenaryo session at committee hearings.

Pero ayon kay Sotto, sa ganitong sistema ay hindi pa rin nila mapapasali ang nakabilanggong si Senator Leila De Lima dahil siya ay hindi na sakop ng hurisdiksyon ng Senado.

Bahala naman sina Senators Juan Miguel Zubiri, Koko Pimentel at Sonny Angara kung magiging physically present sila sa Lunes matapos gumaling sa COVID-19.

Kaungay nito ay sinabi naman ni Senate Secretary Atty. Myra Villarica, na magiging skeletal ang work force ng Senado at ila-live stream o mapapanood sa internet ang mga sesyon at committee hearings.

Facebook Comments