Naniniwala si Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na maipagpapatuloy ang “hybrid” na set-up sa mga kompanya.
Sa briefing ng Committee on Trade and Industry ng Kamara kaugnay sa update sa implementasyon ng de-escalation sa Alert Level 2 sa National Capital Region o NCR, sinabi ni Lopez na sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa ay posibleng ma-i-adopt na ng ilang mga kompanya ang “hybrid” o rotation na trabaho.
Nakita naman aniya na naging epektibo at convenient ang hybrid set-up ng ilang mga kompanya kung saan nagtatrabaho “remotely” ang ibang empleyado habang ang iba ay pisikal na pumapasok sa kanilang mga workplace.
Bilang pag-iingat sa sakit ay hindi pa rin mairerekomenda ang 100% ng mga empleyado na nasa kompanya pero maaaring magdesisyon ang mga may-ari na 50% hanggang 80% ng kanilang mga manggagawa ang nagre-report physically sa trabaho.
Posibleng ipaubaya na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyong ito sa mga empleyado at kompanya.
Aniya, hindi naman lahat ay kailangang isyuhan ng government protocols lalo na kapag bumababa at kontrolado na ang COVID-19 cases.
Isa naman sa itinutulak ng IATF ang pagbabakuna ng booster shots sa mga manggagawa at empleyado para sa dagdag na proteksyon laban sa sakit.