Hybrid session at hearings, suportado ng mga Senador

Nagpahayag ng buong suporta ang mayorya ng mga senador sa isinusulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hybrid legislative proceedings sa muling pagbubukas ng kanilang session sa May 4.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, nagkaroon ng caucus sa pamamagitan ng Zoom ang majority senators at napagkasunduan nila na maghain ng resolution na magpapahintulot sa hybrid type of sessions.

Naniniwala si Zubiri, na pati ang mga senador na kasapi ng minorya ay susuporta sa panukala bilang bahagi ng ‘new normal’ laban sa pagkalat ng COVID-19.


Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, kaisa siya sa resolusyon pero sa kondisyong limitado lang ito hangga’t may COVID-19 pandemic at iba pang kaparehong krisis.

Aprub din kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang hybrid sessions basta’t may national emergency.

Tiwala naman si Senator Sonny Angara na magiging epektibo ang hybrid session para maproteksyonan sila at mga empleyado ng senado laban sa virus.

Binanggit naman ni Senator Francis Tolentino na ang hybrid format ay ginagamit na rin ng British Parliament habang nanatili ang banta sa kalusugan ng COVID-19.

Facebook Comments