I-ACT, muling nagsagawa ng operasyon kontra sa mga sasakyan na hindi sumunod sa health protocols

Muling umarangkada ang panghuhuli ng I-ACT sa mga pampublikong sasakyan na hindi tumatalima sa ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.

Ngayong umaga, sa Lungsod ng Pasig, bahagi ng kahabaan ng Ortigas Extension ay nagsagawa ng operasyon ang I-ACT kung saan tinatayang 40 mga motorista ang nagbigayan ng violation ticket dahil sa paglabag sa health protocols.

Paliwanag naman ng mga nahuling jeep, pagsakay ng kanilang pasahero ay may suot na facemask at face shield pero inaalis din nila ito.


Mayroon ding mga jeep na hinuli dahil overloading o hindi na nasusunod ang ipinatutupad na bilang o dami ng pasahero.

Maliban dito, may pitong mga colorum ang kanilang nahuli kabilang dito ang isang jeep na walang QR code o special permit para pumasada at mga illegal shuttle na kulang ang mga dalang papeles.

Dadalhin ang mga nahuling mga colorum na sasakayan sa impounding area sa Pampanga.

Pagmumultahin ng P50,000 ang colorum na jeep at P200,000 naman sa mga van.

Nagsimula ang kanilang operasyon pasado alas-5:40 umaga at natapos naman ng alas-7:50 ng umaga ngayong araw.

Facebook Comments