Pinaigting ng Inter-Agency Council for Traffic o I-ACT ang operasyon laban sa mga hindi awtorisadong dumaan sa EDSA Busway kabilang na ang mga red plate vehicle.
Kasunod ito ng inilabas na memo ng Department of Transportation (DOTr) kung saan nakasaad na tanging marked vehicle na may emergency duties na lamang gaya ng ambulansya, fire trucks, Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement ang maaaring gumamit ng EDSA Busway.
Nagsimula ang operasyon ng I-ACT bandang alas-7 ng umaga sa bahagi ng Nepa Q Mart bus stop kung saan pinahihinto ang dumadaang government-marked vehicles na hindi kasama sa memo.
Hindi nga nakaligtas maging ang sasakyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kasama sa sinisilip ng I-ACT ang rehistro ng mga sasakyan kung ito ay talagang government vehicle.
Sa ngayon ay binibigyan muna ng warning ang mga dumadaang government vehicles at binibigyan ng liham ang mga kanilang mga ahensya para paalalahanan na bawal na ang pagdaan sa naturang kalsada.
Bukod naman sa government vehicles, tuloy rin ang paniniket ng I-ACT sa mga pasaway na motoristang ginagawang fast lane ang EDSA Busway.