Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Inter-agency Council for Traffic (I-ACT) sa mga pampublikong sasakyan, upang siguruhin na nasusunod pa rin ang mga health protocols laban sa COVID-19.
Pagtitityak ito ni I-ACT Chief Charlie Del Rosario sa gitna na rin ng presensya ng mga sub-variants ng Omicron sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi nito na katuwang nila ang HPG, LTO, MMDA, at mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay sa mga pampublikong sasakyan.
Kahit 100% na aniya ang seating capacity sa mga pampublikong transportasyon, hindi pa rin pinapayagan ang pagkain sa loob ng mga sasakyan, paggamit o pakikipag-usap sa telepono, at pag-aalis ng face mask.
Bawal pa rin aniya ang standing o iyong mga pasahero na nakatayo sa mga bus.
Ayon pa sa opisyal, mayroon pa rin silang mga mystery rider na naka-deploy, upang tumulong sa pag iimplementa ng health protocols.