Manila, Philippines – Nakahanda umano si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa pwesto kung mabibigo siyang makontrol o masawata ang iligal na droga sa bansa.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 67th anniversary ng First Scout Ranger Regiment sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan.
Aniya, wala ng saysay para manatili pa siya sa pwesto kung hindi kayang resolbahin ang problema sa illegal drugs at kukwestyunin niya ang sarili kung bakit nasa posisyon pa rin siya kung mangyayari ito.
Kasabay nito, nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi pa nito nalalagdaan ang executive Order (EO) na nagbabalik sa PNP ng lead role sa anti-drug war.
Inihayag ng Pangulo na pinag-aaralan at ikinokonsidera talaga nitong ibalik sa PNP ang drug war dahil sa mistulang paglala ng iligal na droga sa bansa matapos ipaubaya ang trabaho sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).