Pinawi ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT)ang pangamba ng mga turista patungkol sa bagong ipinatutupad na guidelines para sa mga Pilipinong babiyahe palabas ng bansa.
Sa press briefing sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang inilabas na guidelines ng IACAT kamakailan ay hindi nagtatakda ng dagdag na restriksyon sa mga paalis na turista.
Paglilinaw ng kalihim, nananatili pa rin ang dating panuntunan sa mga papaalis na Pilipino, subalit bahagya lang itong nirebisa para labanan ang human trafficking.
Nasa higit 95% ng mga papaalis na Filipino ay hindi na nangangailangang magpresenta ng karagdagang dokumento maliban sa mga pangunahing dokumento.
Sinabi rin ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, ang kailangan lamang sa mga departing tourist ay pasaporte na balido sa loob ng anim na buwan, boarding pass, at kumpirmadong round trip ticket.
Hindi na rin aniya kailangan ang “unnecessary” interviews sa mga turista.