IATF, aalamin ang estado ng healthcare system sa NCR+ bago magpasya ng quarantine status para sa buwan ng Mayo

Sisilipin ng Inter-Agency Task force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang kalagayan ng healthcare system sa NCR plus bubble bago magdesisyon sa magiging quarantine classification para sa buwan ng Mayo.

Nabatid na hanggang April 30 na lamang ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR+.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ibabatay ng IATF ang desisyon para sa susunod na quarantine status sa siyensya at hard data.


Sinisikap ng pamahalaan na mabalanse ang pagprotekta sa kalusugan ng publiko at mapanatiling tumatakbo ang ekonomiya sa harap ng pandemya.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na bukas pag-uusapan ng IATF ang magiging rekomendasyon na isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang approval.

Aniya, patuloy pa ring tumataas ang kaso pero hindi na ito kasing bilis kumpara noong mga nagdaang linggo.

Titingnan nila ang hospital capacity at ang sitwasyon ng mga healthcare worker.

Bago ito, ipinanawagan ng OCTA Research Group sa pamahalaan na panatilihin ang MECQ status sa NCR plus maliban na lamang kung bumaba ang reproduction number o bilang ng mga taong tinatamaan ng COVID-19.

Ang kasalukuyang reproduction number sa Metro Manila ay nasa 0.93.

Facebook Comments