Nakatakdang magpulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) kasama ang mga kinatawan ng Religious Sector at Local Government Units na nakakasakop sa mga lugar na umiiral ang General Community Quarantine (GCQ).
Ito ay upang pag-usapan ang guidelines na ipatutupad para sa religious gatherings.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sa mismong araw rin gagawin ng IATF ang pinal na resolusyon ukol dito.
Sa ngayon dagdag pa ni Guevarra, mayroon nang mga religious groups na nagsumite ng kanilang mga safety protocols at guidelines sakaling payagan nang mas maraming dumalo na mga mananampalataya kahit nasa ilalim ng GCQ.
Matatandaang sa ilalim ng Revised Omnibus Guidelines ng IATF ukol sa implementasyon ng Community Quarantine ay mananatiling limitado hanggang sa 10 indibidwal ang pwedeng dumalo sa mga religious gatherings.