Nilinaw ni Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na isang miyembro lamang kada pamilya ang maaaring mapagkalooban ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Sa virtual presscon ni Nograles, sinabi nitong target maayudahan ng gobyerno ang mga informal workers o yung mga mahihirap talaga nating mga kababayan.
Hindi na, aniya, kasama sa bilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) maging ang mga formal workers dahil pasok naman sila sa one-time 5,000-peso subsidy ng Department of Labor & Employment (DOLE) para sa kanilang COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP.
Echepwera na rin ang mga pensioners dahil tanging ang mga senior citizens na kabilang sa low-income family ang pasok sa Social Amelioration Program.
Kasunod nito, umaapela si Nograles partikular na sa mga Local Government Units (LGUs) na huwag pairalin ang palakasan system.
Babala nito, makalusot man sila ngayon, pero pagdating ng tamang panahon mapaparusahan din ang mga umabuso lalo na kapag nabisto ng Commission on Audit (COA) ang mga iregularidad.