Hinikayat ni Senator Nancy Binay ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ilatag na ang mga hakbang para sa medical waste o basura na bunga ng pagtugon sa COVID-19 pandemic na inaasahang mas dadami pa at maaaring pagmulan ng sakit.
Sa inihaing Senate Resolution number 657 ay iminungkahi ni Binay sa IATF na magplano at kumonsulta sa mga eksperto para sa mga infectious medical wastes mula sa mga ospital tulad ng mask, gloves, gowns at mga Personal Protective Equipment (PPE).
Binanggit ni Binay ang report ng United Nations Environment Program (UNEP) na kapag hindi naasikaso ng maayos ang nabanggit na mga basura at hindi maayos na itinapon o ipasunog lang kung saan-saan ay delikadong magdulot ng panganib sa kalusugan at dumi sa hangin at tubig.
Tinukoy rin ni Binay ang April 2020 report ng Asian Development Bank na sa mga ospital pa lang sa Metro Manila kung saan naitala ang 55 percent ng COVID-19 cases sa bansa ay inaasahan na ang 280 metriko tonelada ng medical waste kada araw.
Dagdag pa ni Binay, ang pagsisimula ngayon ng pagtuturok ng COVID-19 vaccine ay inaasahang makakadagdag sa medical waste tulad ng mga heringgilya na gagamitin sa pagbabakuna.