IATF, dedesisyunan ang pag-lift ng deployment ban sa mga health workers sa Lunes

Personal na idudulog ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahing pagtanggal sa deployment ban ng mga medical health workers.

Ayon kay Roque, sa magiging pulong nila sa Lunes ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay isasama niya sa agenda ang naturang usapin.

Sa Laging Handa public press briefing kanina, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na hinihintay pa nila ang approval ng IATF na payagang makaalis ng bansa ang mga health workers na mayroon nang kumpletong dokumento tulad ng Overseas Employment Certificate na inisyu ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at mayroong verified employment contract as of August 31.


Matatandaang sa huling IATF Resolution, ang mga health workers na mayroong kumpletong dokumento as of March 8 ang tanging pinayagang makalabas ng bansa at magtrabaho abroad.

Sa pagtaya ni Bello, kapag ito ay naaprubahan, nasa higit 1,200 health workers ang makakalabas ng bansa.

Pagtitiyak nito, sapat ang bilang ng mga nurses at iba pang medical health workers sa bansa kahit pa pumayag ang pamahalaan na mangibang bansa ang ilang medical professionals.

Posibleng sa Lunes magdesisyon din hinggil dito si Pangulong Duterte.

Facebook Comments