IATF: DOH, maglalabas ng guidelines para sa data sharing ng COVID-19 patients

Titimbangin ng Department of Health (DOH) ang Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at ang Republic Act 10173 Data Privacy Act of 2012 sa paglalabas nila ng guidelines para sa disclosure ng impormasyon ng isang pasyenteng mayroong Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, paplantsahin nila sa task force kung paanong hindi ma-vi-violate ang data privacy ng isang pasyente at ang pag-re-report sa DOH ng kanilang mga impormasyon sa ngalan ng contact tracing.

Sinabi ni Nograles, ito ang isa sa mga pag-uusapan nila ngayon sa pulong sa task force at ang magiging laman ng report nila kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa virtual presscon kanina ni Nograles, kinakailangang maging totoo ang isang pasyente sa mga sasabihin nyang impormasyon sa DOH at ang DOH naman, aniya, ay ibabahagi ang mga impormasyong ito sa partikular na Local Government Unit (LGU) at law enforcers para sa gagawin nilang contact tracing sa layuning hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Hindi, aniya, maaaring isapubliko o ikalat ng mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan ang impormasyon ng isang pasyente upang hindi naman malabag ang Data Privacy Act.

Facebook Comments