Nagsagawa ng pagpupulong ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mga lider ng religious groups sa bansa.
Kasunod na rin ito ng apela ng mga religious groups na payagan na ang pagbabalik ng mga religious gatherings sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, maganda ang mga safety guidelines na iprinisenta sa IATF ng mga religious sector, pero malinaw aniya na sa ilalim ng GCQ ay bawal pa rin ang mga religious at mass gathering na lalagpas sa sampung katao.
Dapat din tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing sa mga bahay sambahan.
Una nang umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at religious group na payagan ang pagsasagawa ng misa sa 50% capacity ng kanilang mga simbahan.
Samantala, binabalangkas naman na ng pamahalaan ang ‘system of accreditation’ kung saan papayagan na ang barbershops o parlor na muling magbukas sa gitna ng community quarantine na ipinatutupad dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Roque na mayroong mga malalaking barbershops ang nagpresinta kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ng sistema kung paano sila magsasagawa ng kanilang negosyo na nananatiling may health protocols.
Nakatakda itong talakayin ng IATF sa mga susunod nilang pagpupulong.