Umaabot na sa kabuuang ₱16.3 billion ang nailabas na pondo ng pamahalaan para sa higit 3.6 million benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)
Ayon kay Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang nasabing halaga ay nai-transfer na sa mga cash cards ng 4Ps beneficiaries.
Sa datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) naunang i-deposit sa cash cards ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang mula sa Regions 1, 2, 3, 4-A, National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Habang noong Sabado, April 4, na-deposit na ang cash assistance para sa mga benepisyaryo sa Regions 4-B, 5, 6, 7, at 9.
At kahapon, April 5, naibigay na rin ang tulong pinansyal sa mga benepisyaryo sa Regions 8, 10, 11, 12, at Caraga region.
Paliwanag pa ni Nograles sa mga 4Ps beneficiaries na wala pang cash cards, ay dinownload na ang pondo sa mga DSWD regional offices para maibigay na ang kanilang cash subsidy.
Ang Local Government Units (LGUs) katuwang ang city at municipal officials na, aniya, ang bahalang makipag-ugnayan sa mga benepisyaryo para sa schedule ng releasing ng kanilang emergency cash subsidy.