IATF, hindi magdadalawang- isip na magdagdag ng mga bansang pasok sa red list

Tiniyak ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi sila magdadalawang-isip na dagdagan pa ang mga bansang kasama sa red list kung pasok ito sa itinatakdang parameters.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nogtales, kapag nakita nila sa IATF na nagkaroon ng surge sa isang bansa, halimbawa ay tumaas ang two-week growth rate maging ang attack rate at napupuno na ang mga ospital hudyat na ito upang maisama sila sa red list country.

Paliwanag pa ni Nograles, madalas silang magpulong sa IATF at todo-bantay sa mga datos sa ibang bansa upang masiguro na hindi makakapasok sa bansa ang Omicron variant.


Sa ngayon, suspendido ang lahat ng biyahe hanggang December 15 patungo at mula sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique, Austria, The Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy.

Samantala, sa mga magmumula naman sa green at yellow list countries, ay kinakailangang makapagpresinta ng negative RT-PCR result 72 hours bago ang pagdating sa Pilipinas, mananatili sa facility-based quarantine sa loob ng 5 araw at muling sasalang sa swab test sa 5th day at kapag negatibo, itutuloy hanggang matapos ang 14-day quarantine sa kanilang mga tahanan.

Giit ni Nograles, sa pagpapatupad ng stricter measures maaagapan ang pagpasok ng Omicron variant sa bansa.

Facebook Comments