Mananatili ang umiiral na mga panuntunan sa Alert Level 2.
Ito ang binigyang-diin ni Acting Presidential Spokesperson at Inter-Agency Task Force (IATF) Spokesperson Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles hinggil sa posibilidad na pagbabawal muli sa mass gathering kasunod ng banta ng Omicron COVID-19 variant.
Ayon kay Nograles, sundin lamang muna ang mga itinakdang guidelines kalakip ng pag-obserba sa social distancing at health protocols.
Ang pamahalaan naman aniya ay aktibong naka-monitor sa development ng COVID-19, hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi maging sa buong mundo.
Sa oras aniya na kailanganing itaas ang alert level sa mga lugar sa bansa ay agad naman itong gagawin ng IATF, alinsunod sa minamandato ng sitwasyon.
Base sa mga panuntunan sa Alert Level 2 pinapayagan ang parties, wedding receptions, engagement parties, debut at birthday parties, family reunion, bridal at baby shower at iba pang kahalintulad na social event gatherings.