Pinabubuo ni Speaker Lord Allan Velasco ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng unified national contact tracing protocol.
Nakapaloob sa House Resolution No. 1536 na ang pagtatatag ng unified national contact tracing protocol ay layong matiyak na epektibo at ligtas na health emergency data monitoring system sa ating bansa.
Pinagtatalaga rin ng isang ahensya para sa pambansang contact tracing na tatayo bilang sentralisadong ipunan ng mga impormasyon upang mapadali ang sistema para sa health emergency response.
Paliwanag ng kongresista, ang hindi centralized na data repository ay nagreresulta lamang ng duplication sa listahan, dagdag-gastos at hindi gaanong epektibong solusyon dahil sa limitadong data access.
Tinitiyak dito na ligtas ang mga data at impormasyon salig na rin sa Data Privacy Act of 2012 at mayroong real-time data access sa mga accredited contact tracing app providers.
Sa kasalukuyan ay hindi bababa sa pitong contacts ng COVID-19 patient ang natutukoy, na ayon kay Velasco ay malayo sa ideal contact tracing ratio na 1:37 para sa urban areas at 1:30 sa rural communities.