IATF, inamyendahan ang quarantine protocols ng mga indibidwal na magmumula sa ibang bansa

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pamamagitan ng IATF Resolution No.142 ang updated testing and quarantine protocols para sa mga international arriving passenger na magmumula sa mga “Green” & “Yellow” countries epektibo simula ngayong araw, October 8, 2021.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque ang mga fully vaccinated individual na galing sa “Green” or “Yellow” countries ay kinakailangang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang lumabas ang kanilang negative RT-PCR result na kukuhanin sa ikalimang araw magmula nang sila’y dumating.

Kapag negatibo, itutuloy ang pagku-quarantine sa kanilang tahanan hanggang matapos ang 10-day quarantine period.


Samantala, ang mga unvaccinated, partially vaccinated, o mga indibidwal na hindi ma-validate kung sila nga ay fully vaccinated ay kinakailangang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang lumabas ang kanilang negative RT-PCR result na kukuhanin sa ikapitong araw magmula nang sila’y dumating.

Kapag negatibo ang resulta, itutuloy ang pagku-quarantine sa kanilang tahanan hanggang matapos ang 14-day quarantine period.

Ang mga foreign nationals naman ay required na mag-pre-booked ng kanilang accommodation, anim na araw kapag fully vaccinated at walong araw kapag unvaccinated, partially vaccinated na galing sa “Green” or “Yellow” List countries.

Kabilang naman sa mga dokumentong tatanggapin para maberipika ang vaccination status ay certification mula sa Philippine Overseas Labor Office sa bansang pinagmulan ng Overseas Filipino Workers (OFWs), VaxCertPH o BOQ-issued International Certificate of Vaccination.

Facebook Comments