IATF, inatasan ang mga LGU na maghanap ng mga pasilidad na pwedeng gamitin bilang COVID-19 quarantine facility

Inatasan ng Inter-Agency Task for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Local Government Units (LGUs) na maghanap ng mga pasilidad na maaring gamitin para sa quarantine ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay Cabinet Sec. Karlo Nograles, naghahanap sila ng mga pasilidad para sa mga COVID-19 patients na mayroong mild symptoms.

Sakop din ng kautusan ang mga Government-owned and Controlled Corporations at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.


Ang DILG ang maglalabas ng guidelines para rito habang ang iba pang ahensya ay tutulong sa pagtukoy ng mga posibleng quarantine facilities.

Ang DPWH ay inatasang mag-inspeksyon sa mga pasilidad.

Bukod dito, inaprubahan din ng IATF ang memorandum circular para sa social amelioration measures.

Inaatasan ang mga ahensya ng gobyerno at LGUs na magpasa ng kanilang beneficiary databases sa DSWD at Finance Department.

Sinabi rin ni Nograles na maaaring ilantad ang pagkakakilanlan ng pasyenteng dinapuan ng COVID-19 para mapaigting ang contact tracing.

Pero kailangan pa ring may permiso mula sa pasyente bago isapubliko ang pagkakakilanlan nito.

Nabatid na umabot na sa 803 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 54 ang namatay habang 31 na ang gumaling.

 

 

 

Facebook Comments