IATF, inirekomenda kay PBBM ang boluntaryong pagsusuot na lamang ng face mask

Luluwagan na ang patakaran kaugnay sa pagsusuot ng face mask sa buong bansa.

Ito ang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) matapos magpulong bunsod ng ipinatupad na kautusan ng Cebu City local government na hindi na na- oobliga sa mga residente roon ang pagsusuot ng face mask.

Sa press briefing sa Malacañang na dinadaluhan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at Department of Health Officer-in-Charge (DOH-OIC) Usec. Maria Rosario Vergeire habang nasa Zoom naman si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, inianunsyo ng mga ito na voluntary na lamang ang pagsusuot ng face mask sa buong bansa.


Magiging opsyonal ang pagsusuot nito para sa low risk individuals sa open spaced areas o low risk settings, ibig sabihin may magandang daloy ng hangin at hindi mataong lugar.

Samantala, sinabi pa ni Vergeire na nakalagay sa rekomendasyon na hinihikayat pa rin ang high risk individuals tulad ng senior citizens at immune-compromised individuals na magsuot ng mask kahit outdoors.

Hindi naman kasali sa optional o voluntary mask mandate ang mga pampublikong transportasyon dahil maituturing itong crowded o mataong lugar at siksikan.

Para naman sa mga bata at estudyante sa mga eskwelahan, ipinauubaya na ng IATF sa mga magulang ang pagbibigay proteksyon sa kanilang mga anak, kaya hinihikayat pa rin ang mga ito na pagsuotin pa rin ng face mask ang mga bata kapag papasok o nasa mga paaralan.

Ang usapin naman ng tuluyang pagtatanggal na ng pagsusuot ng face mask ay ipatutupad sa pamamagitan ng pilot testing sa huling quarter ng taon.

Facebook Comments