Mahigpit na pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung ano ang susunod na Alert Level ng Metro Manila, lalo’t nananatili ang banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Tugon ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nang tanungin kung ikinukonsidera ba ng IATF ang pagbababa sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 para sa natitirang bahagi ng Disyembre, o mananantili ito sa Alert Level 2.
Ayon sa kalihim, nakabantay ang IATF sa mga development ng Omicron variant.
Inaabangan din aniya nila ang magiging pinal na findings ng World Health Organization (WHO) kung mas nakamamatay, mas madaling makahawa, o kung mas malala ba ang variant na ito kumpara sa mga nauna ng variant ng COVID-19.
Habang wala pa aniya ang findings ng mga eksperto kaugnay dito, sila sa IATF ay patuloy na isasapinal ang mga gagamitin parameters para sa pagbababa sa isang lugar sa Alert Level 1.
Sa Huwebes aniya, muling magkakaroon ng pulong ang IATF, upang muling talakayin ang usaping ito.