IATF, may babala sa mga opisyal ng Ilocos Norte

Sa kabila ng kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat isara ang mga pampubliko at pribadong sementaryo sa Undas sa buong bansa, nagmatigas si Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc.

Ito ay dahil bubuksan niya ang mga sementeryo sa Ilocos Norte at pahahabain ang operating hours habang gagawing by batch ang pagpasok ng mga dadalaw sa mga yumao nilang mahal sa buhay.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, iko-coordinate niya ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na siyang may hurisdiksyon sa mga Local Government Units (LGUs).


Babala pa ni Roque, alam naman ng mga lokal na opisyal ang kakaharapin nilang parusa kapag hindi sumunod sa alituntunin ng IATF.

Una nang sinabi ng kalihim na public health ang numero unong konsiderasyon kung bakit nagdesisyon ang task force na isara ang mga sementeryo sa Undas.

Nabatid na sarado ang mga sementeryo sa darating na October 29 hanggang November 4 sa buong bansa pero maaari namang dumalaw sa mga namayapang mahal sa buhay bago ang October 29 at pagkatapos ng November 4.

Facebook Comments