Agenda sa pulong ng IATF ngayong hapon ay ang rekomendasyon at pagsusulong ng mga lokal na pamahalaan na mas higpitan pa o magpatupad ng lockdown sa Metro Manila dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases bunsod ng Delta variant.
Hindi kasi kuntento ang mga alkalde sa Metro Manila sa pagpanatili lamang sa general community quarantine with heightened restrictions ang NCR hanggang sa a-kinse ng Agosto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque nais kasi nilang pagpulungan sa IATF kasama ang MMC kung saan huhugot ng pondo para sa ayuda sa mga maapektuhan ng hard lockdown.
Kaakibat kasi ng rekomendasyon ng mga Local Government Units (LGUs) na magbigay ng ayuda sa mga apektadong residente kapag ipinatupad ang lockdown.
Kasama pa ang pag-allocate ng 4 na milyong bakuna sa mga taga-NCR.
Pero sa ngayon, sinabi ni Roque na batay sa ipinakita ng mga datus at pagtaya ng mga dalubhasa, hayaan munang maghanapbuhay ang mga tao kung wala pa naman sa moderate risk ang healthcare utilization rate.
Samantala, kasama rin sa pag-uusapan sa pulong ng IATF mamaya ay kung palalawigin muli ang travel ban sa ilang mga bansa, dahil magtatapos na ito sa Sabado, July 31.