Inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang final entry, testing at quarantine protocols para sa mga Filipino at mga dayuhan galing sa ibang bansa epektibo simula alas-12:01 ng madaling araw ng February 10, 2022.
Sa IATF Resolution 160-A, itinatakda na para sa mga fully vaccinated Filipinos na darating sa bansa, kailangan pa ring magpresinta ng negative RT-PCR test result na kinuha 48 hours bago ang pag-alis sa country of origin.
Pagdating dito sa Pilipinas ay hindi na sila required pa para sa mandatory facility-based quarantine kundi magsi-self-monitor na lamang sa kanilang tahanan para sa anumang maramdamang sintomas.
Para naman sa foreign nationals na walang visa at papasok sa Pilipinas para sa business at tourism purposes, kailangang kwalipikado sila bilang dating Filipino citizens na may balikbayan privilege sa ilalim ng RA 9174.
Kung ang kanilang asawa at mga anak ay hindi balikbayan at kasama nila sa biyahe, papayagan silang makapasok din sa bansa basta hindi sila maituturing na restricted nationals.
Kailangan din ay mamamayan sila ng 150 mga bansang nasa listahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na entitled na manatili sa Pilipinas nang hindi hihigit sa 30 araw.
Ang foreign national ay dapat ding fully vaccinated, may negative RT-PCR test result na ipresinta bago ang biyahe at pagdating dito sa Pilipinas.
Kailangan ding may valid tickets sila para sa kanilang pagbalik sa port of origin o next port of destination nang hindi lalagpas sa 30 araw mula nang dumating sa Pilipinas.
Ang kanilang passport ay dapat valid sa loob ng at least anim na buwan pagkarating nila sa bansa at dapat may travel insurance for COVID-19 treatment costs mula sa mga katiwa-tiwalang insurers at may minimum coverage na $35,000 para sa panahon ng kanilang pananatili sa Pilipinas.