IATF, naglabas ng guidelines para sa vaccine clinical trials sa Pilipinas

Naglabas ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng guidelines para sa COVID-19 vaccine clinical trials sa Pilipinas.

Batay sa IATF approved Resolution No. 65, inaprubahan ang rekomendasyon ng sub-Technical Working Group on Vaccine Development.

Nakasaad dito na ang lahat ng applications para sa clinical trials ay kailangang isumite sa Vaccine Expert Panel, na siyang ire-review ng itinalagang Ethics Board bago ito ipasa sa Food and Drug Administration para sa review at approval.


Mag-iisyu rin ng zoning guidelines para sa clinical trials para maiwasan ang kompetisyon para sa trial sites.

Ipinaprayoridad sa Local Government Units (LGUs) ang Solidarity Trials ng World Health Organization (WHO).

Ang lahat ng ethical guidelines para sa clinical trials maging ang kompensasyon sa mga lalahok ay ire-review ng Philippine Health Research Ethics Board (PHREB) at sakop nito ang WHO Solidarity Trial at Independent Clinical Trials.

Una nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na ang clinical trials sa Pilipinas para sa iba’t ibang COVID-19 vaccines ay maaaring magsimula sa 4th Quarter ng 2020.

Facebook Comments