IATF, pagbabasehan ang datos kung palalawigin ang 2-week ECQ sa Metro Manila

Ang itinakdang indicators pa rin ang magiging basehan kung mananatili sa isang klasipikasyon ang isang lugar.

Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasunod ng mga ulat na palalawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ayon kay Roque, kabilang sa mga indicator na ito ay ang daily attack rate, two-week daily average attack rate at ang critical healthcare capacity.


Aniya, may ilang araw pa ang mga eksperto bago maglabas ng desisyon.

Sa katunayan, bukas ay may pulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) at bago mag-Agosto 20 ay iaanunsyo kung extended ang 2 linggong lockdown sa National Capital Region (NCR).

Sa kabila nito, muling nilinaw ng kalihim na ang layunin ng pamahalaan ay total health o pangangalaga sa kalusugan habang tinitiyak na walang magugutom dahil sa pandemya.

Kasunod nito, binigyang diin ni Roque na ang pagsunod sa health standards, kasama na ang pagbabakuna ay ang mabisang panlaban sa kahit anumang variant ng COVID-19.

Facebook Comments