IATF, pinabubuo ng isang kongresista para agapan ang pinangangambahang krisis sa tubig

Isinusulong sa Kamara ang pagbuo ng isang “Inter-Agency Task Force” para sa pinangangambahang “water crisis” sa bansa.

Nakasaad sa inihaing House Resolution 2433 ni House Deputy Speaker Deogracias Savellano, ang naturang IATF ang mag-aaral, magpa-plano at maglalatag ng komprehensibong “master plan” upang matugunan ang napipintong krisis sa tubig.

Ibinabala sa resolusyon na ang krisis sa tubig ay posibleng magdala ng mas malaki o malawak na banta sa “national survival at well-being” kung walang gagawing aksyon.


Tinukoy din na ang mga gobyerno sa Asya, Europa, Amerika at Africa ay nagsabi na may pangangailangan ng “proactive planning and action” sa tulong ng pampubliko at pribadong sektor, upang magkaroon ng konkretong mga plano para maiwasan o mapagaan ang water crisis.

Punto pa ng mambabatas, mas lalong urgent o kailangang-kailangan ito ngayong nahaharap ang ating bansa at buong mundo sa epekto at mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments