Pinayuhan ni Deputy Speaker Loren Legarda ang Inter-Agency Task Force (IATF) na maghinay-hinay sa pagbaba ng COVID-19 alert status sa buong bansa.
Pinag-aaralan kasi ngayon ng IATF na ibaba na sa Alert Level 1 ang bansa matapos na ideklara ng Department of Health (DOH) ang “low risk level” dahil sa naitalang pinakamababang kaso noong February 19 na nasa 1,923 na lamang.
Pero, payo ng Antique lady solon, maging maingat ang pamahalaan sa pagbaba sa Alert Level 1.
Giit ng kongresista, hindi pa tuluyang mawawala ang hawaan ng sakit at posibleng pagtaas ng kaso lalo na kung magluluwag at hindi na susunod sa mga protocols.
Dagdag ng mambabatas na siya ring may-akda ng “Better Normal Bill”, mas dapat na pagtuunan ang pagpapalakas ng mga mekanismo upang epektibong masugpo ang COVID-19 sa bansa tulad ng malawakang testing centers at pamimigay ng libreng test.