IATF, pinaglalatag ng mahigpit na guidelines para sa tamang disposal ng mga face mask at face shield

Pinaglalatag ni Assistant Majority Leader at DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng istriktong guidelines para sa tamang disposal ng mga gamit na face mask at face shield.

Sa House Resolution 1244 na inihain ng kongresista, pinabubuo nito ang gobyerno ng mahigpit na alituntunin para sa tamang paraan ng pagtatapon ng mga face mask, face shield at iba pang waste materials na ginamit para sa gamutan, detection at pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.

Iginiit ng kongresista na 32 linggo na ang nakalipas mula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency sa bansa ay naging problema naman ngayon ang tamang disposal ng mga waste materials na ginagamit na panlaban sa pandemya.


Dahil bahagi na aniya ng araw-araw na buhay ng mga tao ang pagsusuot ng face mask, nagbunga naman ito ng hindi inaasahang “side effect” na pagtaas sa waste materials na kung hindi tama ang pagtapon ay mas magiging banta pa lalo sa kalusugan ng mga Pilipino.

Naniniwala si Aglipay na ang IATF ang epektibong makakaresponde at makapagbibigay ng guidelines sa nasabing problema upang mapanatiling ligtas ang publiko laban sa sakit na coronavirus disease.

Facebook Comments