Tinatalakay pa ng Inter-Agency Task Force o IATF ang pagbibigay ng 3rd dose o booster shot sa mga paalis ng Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang seafarers.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Task Force o NTF Spokesperson Ret. Gen Restituto Padilla na noon pa man ay prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng bakuna sa mga paalis na OFW.
Aniya, malaki ang naiaambag sa economic recovery ng mga OFW at seafarers dahil sa patuloy nilang pagsasakripisyo sa ibayong dagat.
Pero paglilinaw nito, ang mga OFW lamang na fully vaccinated sa nakalipas na anim na buwan ang bibigyan ng 3rd dose.
Ang mga nabakunahan noon lamang isang bwuan at nakatakda nang lumipad para sa kanilang job deployment ay hindi muna mabibigyan ng booster shot.
Kasunod nito, inaasahang maglalabas ng guidelines hinggil dito ang IATF.