IATF, pinasisilip na kung may bagong variant sa Pasay City dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19

Sinisilip na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mabilis na pagdami ng kaso ng nagpopositibo sa COVID-19 sa Pasay City.

Nabatid na mula sa 33 na barangay noong Biyernes ay umakyat na ngayon sa 55 ang barangay na isinailalim sa localized lockdown matapos na pumalo sa 435 ang COVID-19 active cases sa lungsod kung saan karamihan sa mga nadagdag na kaso ay magkakasama sa bahay.

Sa interview ng RMN Manila kay IATF Co-Chairperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ipinadala na nila sa Philippine Genome Center (PGC) ang sample ng virus na nakuha sa Pasay upang malaman kung may bagong variant ng COVID-19 sa lugar.


Ayon kay Nograles, nababahala ang mga opisyal ng Pasay-Local Government Unit sa mabilis na pagdami ng kaso sa kanilang lungsod.

Sa ngayon nag-iikot ang mga tauhan ng Pasay-LGU sa mga barangay na naka-lockdown upang masiguro na mahigpit na naipapatupad ang mga inilatag na quarantine at health protocols ng IATF.

Samantala, localized lockdown din at hindi Enhance Community Quarantine (ECQ) ang inirerekomenda ng IATF sa probinsya ng Cebu dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Nograles na ang localized lockdown ang pinakamabilis na paraan para mapigilan ang pagdami ng kaso.

Sa ngayon ay naisumite na ng IATF at Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) para sa pagsusuri ang nakitang bagong variant ng COVID-19 na nakita sa Cebu City.

Facebook Comments