Dinepensahan ng Department of Health (DOH) ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na nagrerekomenda sa mga on-site worker na magpabakuna.
Kasunod ito ng reklamong inihain ni Kathryn Joy Hautea-Nuñez, clerk of court sa Las Piñas Regional Trial Court Branch 198 laban sa Korte Suprema at IATF dahil sa pag-apruba sa nasabing resolusyon.
Sabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, malinaw na nakasaad sa resolusyon na hindi mandatory ang pagbabakuna at hindi ito magiging basehan para ma-terminate ang isang manggagawang ayaw magpaturok.
Giit pa niya, moral obligation ng lahat na magpabakuna para maprotektahan ang komunidad laban sa COVID-19.
“Dahil meron po tayong public health emergency, it is the role of government to protect public health. As to the decision of IATF po, ito naman ay pinag-usapan at pinag-aralang maigi kasama ang lahat ng miyembro pati ang Department of Justice (DOJ), hindi natin sinabing mandatory. Ang sinabi natin, magpabakuna sila, it will not be a cause for them to be terminated pero kailangan mag RT PCR test sila ‘pag papasok sila,” paliwanag ni Vergeire.
“Actually this is something like… incentives and disincentives para po sa mga bakunado at hindi bakunado because ito po ay isang bagay na dapat moral obligation nating lahat,” dagdag niya.