Muling mag-uusap ang pandemic task force ng pamahalaan para talakayin ang travel protocols para sa fully vaccinated individuals.
Matatandaang inanunsyo ng Malacañang na ang pagpapakita ng vaccination cards ay sapat na requirement para makapasok sa bayan o lungsod na pupuntahan.
Ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, ang publiko ay kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test result kapag pupunta sa kanilang destinasyon kung hinihingi ito ng local government unit (LGU) kahit ano pa ang kanilang vaccination status.
“Bago yan, ang dati nating resolusyon ay mayroon tayong testing…Sa ngayon ibabalik muna natin doon. Hanggat sa maayos natin,” sabi ni Duque.
Aniya, pag-uusapan ito ng IATF at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ngayong araw.
“Parang nagkakaproblema dahil yung implementation medyo may mga operational challenges o difficulties. So paplantayhin natin ito bukas,” anang kalihim.
Batay sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 101, binibigyan ng flexibility ang mga LGUs kung ire-require nila ang RT-PCR result ang sinumang papasok sa kanilang lokalidad.